TEKNOARTIST
  Tadhana
 
"Tadhana"


               Nasumpungan ko ang sariling tulala at wala sa realidad. Nakatingin sa kawalan na animo'y isang istatwang 'di kayang bulabugin ng sinuman. Nakatungkod ang aking kamay sa mukha kong dala ang bakas ng kahapong ayaw ko na sanang balikan. Makailang ulit kong sinubukang hilahing pabalik ang aking diwang kanina pa naglalakbay. Ngunit bigo ako.
                Gamit ang basahang gawa sa retaso, masikap kong inaabot ang mataas na bahagi ng salamin ng computer lab. Pinupunasan kong maigi ang bawat sulok ng salaming bintana at pinto. Tagaktak man ang pawis ay patuloy parin ako para sa aking hangarin. "Hay,.. salamat." katagang kusang nabuo ng aking dila, sinyales na tapos na ang isang gawain. Sinunod kong linisin ang mga computer at ang iba pang gamit sa laboratoryo.
                Tok! Tok! Tok! Kasabay ng malakas na katok na nagmumula sa gate ay ang biglang pag-angat ng aking ulo. "Nakatulog pala ako," sabay punas sa laway na umagos sa pinaglugmukan ng aking mukha. Patakbo kong tinungo ang gate upang alamin kung sino ang kumakatok. "Good morning Sir Roy!," bating sinabayan ko ng ngiti upang magbigay galang. Mabilis kong binuksan ang gate. Tumuloy si Sir Roy sa loob ng eskwelahan, ininspeksyong maigi ang bawat sulok ng paaralan. Habang nag-iikot sya ay bumalik naman ako sa computer lab para ipagpatuloy ang naudlot kong paglilinis.
                Bago pa man matapos ang responsibilidad ko sa araw na yon, bahagyang sumagi sa aking isipan ang katagang "Yan ang gusto mo, ikaw ang pumili nyan, kung ako ang masusunod hindi na kita paaalisin." sabi ng aking lola noong araw na pinasya kong makipagsapalaran at magpatuloy sa pag-aaral. Tumira ako sa  lugar kung saan walang kasiguruhan at walang tiyak na patutunguhan. Walang kakilala at kamag-anak. Sa kabila ng napakalaking posibilidad na mabigo sa aking hangarin ay nanghawak parin ako sa magagawa ng determinasyon at pagtitiwala sa nasa itaas.
                Alas kwatro ng hapon, natapos din sa wakas ang aking trabaho. Pinatay ko na ang ilaw na nagbibigay liwanag sa isang bahagi ng laboratoryo at iniwang nakasindi ang isa upang magsilbing tanglaw ko sa pagguhit ng isang larawan. Makailang beses pa lamang gumagalaw ang lapis sa malapad na papel sa aking harapan ay nakaramdam ako ng paghilab sa aking tiyan. "Nakalimutan kong kumain ng tanghalian," sabi kong may pag-aalala sa aking sarili.
                Ringgggg!!!! Ringggg!!!! Isang tawag mula sa telepono ang tagumpay na nakabasag sa paglalakbay ng aking diwa. "World Technology Corporation, good morning." Isang property sa kanluran ang kaylangan kong puntahan para sa rehabilitasyon ng gusaling nakatayo doon.
                Ilang dekada narin ang nakalipas, ngunit paulit-ulit parin akong ibinabalik ng aking alaala sa panahong iyon. Marami na ang nangyari, at marami narin ang nagbago ngunit 'di ko parin maitatanggi ang nakaraan. Parang isang mahikang umikot ang tadhana sa aking buhay. Wari'y may isang makapangyarihang kamay ang nagtayo sa akin mula sa pagkakalugmok.
               Hunyo 5, 2034 ng opisyal nang magbukas ang walong palapag na mall bilang sangay ng aking negosyo sa Boston.
By: Teknoartist

 
 
  Today, there have been 8 visitors (9 hits) on this page!  
 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free